Wikang Pilipino sa Pambansang Kalayaan at Pagkakaisa

ni Patrocinio Villafuerte

(Sabayang Pagbigkas)

Sa bawat panahon
Sa bawat kasaysayan
Sa bawat henerasyon
May palawakan ng isip
May palitan ng paniniwala
May tagisan ng matwid
Maging ito’y magbunga ng tuwa, ng lungkot, ng galit
Sila-sila’y nagtatagpo, kayu-kayo’y nagpapangkat

Isang diwa ang nagpasya, isang wika ang ginamit
Wikang Pilipino! Wikang maka-Diyos, makabayan, makatao
Wikang naglalagos sa isipang makabansa
Wikang nanunuot sa damdaming makalupa
At paisa-isang dila, parami-raming labi, sama-samang tinig
Bumubulong, sumasatsat, humihiyaw, nagngangalit
Hinihingi’y Kalayaan! Katarungan! Kalayaan! Katarungan!

Hanggang saan susukatin?
Hanggang kailan bubuhayin?
Hanggang kailan maaangkin?
Layang mangusap, layang sumulat
Layang mamuhay, layang manalig
Layang humahalakhak, layang mangarap,
Layang maghimagsik
Maghimagsik! Maghimagsik! Maghimagsik!

A, parang isang pangarap, parang isang panaginip
Kasaysayan pala’y mababago isang saglit
Sa dakong silangan … doon sa silangan
Ang sikat ng araw … sumilip, sumikat, uminit
Sari-saring mukha, magkakabalat, magkakadugo, magkakapatid
Sama-samang gumising, magkakapit-bisig, nag-alsa’t tumindig
Lakas ng tao! Lakas ng bayan! Lakas ng daigdig!
Laban sa tirano, sa gahaman, sa mapanupil, sa mapan-lupig