Si Haring Tamaraw at si Daga

(Pabula / Fable)

Ang Tamaraw ay isang uri ng mga hayop sa ating kagubatan.  Siya ay malaki, mabilis at malakas.  Iginagalang siya ng lahat ng kanyang nasasakupan.

Minsan, nilibot ni Haring Tamaraw ang kagubatan.  Dumating siyang pagod na pagad.  Kaagad siyang nakatulog sa ilalim ng punong Narra.  Dumating si Daga.  Tuwang-tuwa siyang naglalaro sa may puno ng Narra.  Sinaway siya ng mga ibon na nakadapo sa mga sanga ng puno.  Ipinaalam nilang natutulog si Haring Tamaraw.  Dali-daling tumakbong paalis si Daga.  Hindi sinasadyang natapakan ni Daga ang paa ni Haring Tamaraw.  Kumilos si Haring Tamaraw at naipit ang paa ni Daga.  Umirit si Daga.

Nagising si Haring Tamaraw.  Galit na galit siya.  Hinuli niya si Daga at bilang parusa, kakainin sana niya ito.  Nagmakaawa si Daga kay Haring Tamaraw.  Nangakong hindi na siya uulit at sinabi pang baka siya'y makatulong kay Haring Tamaraw pagdating ng panahon.  Pinakawalan at pinatawad ni Haring Tamaraw si Daga.  Nagpasalamat naman si Daga.

Isang araw, naghahanap si Haring Tamaraw ng makakain sa kagubatan.  Sa kanyang paglalakad ay natapakan niya ang isang patibong na hawla na panghuli ng malalaking hayop sa kagubatan.  Napasok at nakulong sa hawla si Haring Tamaraw.  Walang magawang tulong ang mga hayop.  Nagkagulo sila at hindi malaman kung ano ang gagawin sa kanilang hari.

Walang anu-ano dumating si Daga na galing sa paghahanap ng pagkain.  Nginatngat kaagad niya ang mga tali sa hawla.  At nakalusot si Haring Tamaraw sa pagkakaligtas ni Daga sa kanya.  Nagpasalamat si Haring Tamaraw kay Daga.  Mula noon, naging mabuting magkaibigan si Haring Tamaraw at si Daga.