Kayumanggi

Tula ni

Rufino Alejandro

Sa ibayong pampang ng mga panahon,
Nang ako’y tumanaw, ikaw ay naroon:

Hinagap ng iba, ikaw raw ay multo,
Subali’y tao kang may laman at buto;

Darang ang balat mo sa halik ng araw,
Kaya ang kulay mo’y kayumanggi tunay.

Kung iba’t iba man ang mukha’t anyo mo,
Ang diwa mo nama’y hindi nagbabago.

Sa dakong Mindanaw, ikaw’y Reyna Sima,
Buhat sa Borneo’y si Datu Puti ka.

Ikaw’y Lapulapu na anak ng Maktan,
Dapwa’t sa Maynila, ikaw’y si Soliman.

Si Dagohoy ka man sa pulo ng Bohol,
Sa Leyte, ikaw’y di ba si Sumoroy?

Si Andres Malong ka kung sa Pangasinan
Minsan ay Palaris ang ngalan mo naman.

Ikaw’y Diego Silang doon sa Iloko,
At sa Balintawak nama’y Bonifacio.

Minsa’y si Burgos ka o kaya’y Del Pilar,
Naging Luna ka rin, saka Jose Rizal.

Sa Kabisayaan, Mindanaw at Luson,
Sa buong Bataan at sa Korehidor.

Ikaw’y natanaw kong hawak mo’y bandila,
Mistulang moog ka ng bayang malaya!

Sintang Pilipinas, di ka maaapi,
Kung sasandatahi’y DIWANG KAYUMANGGI!

Ang maikling tulang ito ay napapaloob ang kadakilaa’t kagitingan ng lahing Kayumanggi. Dito’y makakatagpo ng isang huwaran ng matipid na paggamit ng mga salita nang hindi mawawala ang bisa ng pagpapahayag.