Kabanata 50:

Ang mga Kaanak ni Elias

(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)

Isinalaysay ni Elias ang kanyang kasaysayan kay Ibarra upang malaman nito na siya ay kabilang din sa mga swimpalad. May 60 taon na ang nakakalipas, ang kanyang nuno ay isang tenedor de libros sa isang bahay- kalakal ng Kastila.  Kasama ng kanyang asawa at isang anak na lalaki, ito ay nanirahan sa Maynila.  Isang gabi nasunog ang isang tanggapang pinaglilingkuran niya.  Isinakdal ang kanyang nuno sa salang panununog.  Palibhasay maralita at walang kayang ibayad sa abogado, siya ay nahatulan.  Ito ay ipinaseo sa lansangan na nakagapos sa kabayo at pinapalo sa bawat panulukan ng daan.  Buntis noon ang asawa, nagtangka pa ring humanap ng pagkakakitaan kahit na sa masamang paraan para sa anak at asawang may sakit.  Nang gumaling ang sugat ng kanyang nuno, silang mag-anak ay namundok na lamang. Nanganak ang babae, ngunit hindi nagtagal namatay ito.  Hindi nakayanan ng kanyang nuno ang sapin-saping pagdurusang kanilang natanggap.  Nagbigti ito.  Hindi ito naipalibing ng babae.  Nangamoy ang bangkay at nalaman ng mga awtoridad ang pagkamatay ng asawa. Nahatulan din siyang paluin. Pero, ito ay hindi itinuloy at ipinagpaliban sapagkat dalawang buwan siyang buntis nuon.  Gayunman, pagkasilang niya, ginawa ang hatol.

Nagawang tumakas ng babae mula sa malupit na kamay ng batas, lumipat sila sa kalapit na lalawigan.  Sa paglaki ng anak na panganay, ito ay naging tulisan.  Gumawa siya ng panununog at pagpatay upang maipaghiganti nila ang kaapihang natamo.  Nakilala siya sa tawag na Balat.  Ang lahat ay natakot sa kanyang pangalan.  Ang ina ay nakilala naman sa tawag na haliparot, delingkuwente at napalo at ang bunso dahil sa mabait at tinawag na lamang anak ng ina.

Isang umaga, nakagisnan na lamang ng anak ang ina na patay na.  Ito ay nakabulagta sa ilalim ng isang puno at ang isang ulo ay nakatingala sa isang bakol na nakasabit sa puno.  Ang kanyang katawan ay ibinaon samantalang ang mga paa,kamay ay ikinalat.  Ang ulo naman ay siyang dinala sa kanyang ina.  Walang nalalabing paraan sa nakakabata dahil sa kalunos-lunos na pangyayaring ito kundi ang tumakas.  Siya ay ipinadpad ng kapalaran sa Tayabas at namasukang obrero sa isang mayamang angkan.  Madali naman siyang nakagiliwan sapagkat nagtataglay nga ito ng magandang ugali.

Siya ay masikap at ng nagkaroon ng puhunan, napaunlad niya ang kanyang kabuhayan hanggang sa makakilala siya ng isang dalagang taga-bayan na kanyang inibig ng tapat.  Gayunman sinasagilahan siya ng matinding pangamba na mamanhikan.  Nangangamba siyang matuklasan ang tunay niyang pagkatao.  Mahal palibhasa ang babae, minsan ay nailugso nito ang puri at desidido siyang panindigan ang nagawa.  Ngunit, dahil sa mayaman ang ama ng babae at wala siyang kayang ipagtanggol ang sarili, siya ay nakulong sa halip na makasal siya sa babae.

Bagamat hindi nagsama ang magkasuyo, ang kanilang pagtatampisaw sa dulot ng pag-ibig ay nagkaroon ng bunga.  Ang babae ay nanganak ng kambal, isang babae at isang lalaki.  Ang lalaki ay si Elias. B ata pa sila ay iminulat sa kanilang patay na ang kanilang ama.  Naniniwala naman sila sapagkat musmos pa lamang ay namatay ang kanilang ina.  Nang magkaroon ng sapat na isip, palibhasa’y maykaya ang nuno, si Elias ay nag-aral sa mga Heswitas samantalang ang kapatid na babae ay sa Concordia.  Nagmamahalan silang magkapatid at ang pag-igkas ng panahon ay hindi nila namamalayan.  Namatay ang kanilang nuno kaya’t umuwi silang magkapatid upang asikasuhin ang kanilang kabuhayan.