Puting Usa

Itinaas ni Tingal ang kanyang pana.  Kanya itong pinakawalan at presto, tinamaan ang dibdib ng puting usa.

Wala kang habag.  Wala kang puso! ang huling pahimakas ng usa.  Nakalaan para sa iyo ang paghihiganti ng diyosa ng kabundukan! at ang usa ay nalupasay sa lupa.

Itinali ni Tingal ang usa sa tulos ng kawayan at kanya itong pinasan.  Ang kahambal-hambal na huni sa may dako ng kakahuyan ay gumimbal sa kanyang kaluluwa.  Sumikdo ang kanyang puso at wari bang babalang masamang mangyayari.  Marahang-marahang ibinaling niya ang kanyang mga paa papunta sa kanilang munting kubo.

Masayang-masaya siyang sinalubong ng kanyang asawa’t anak.  Si Bandina ay nagpuyos ng mga siit at gumawa ng apoy.  Ang anak nama’y tuwang-tuwa pagka’t ang magagandang sungay ng usa ay ipinangako sa kanya upang gawin niyang laruan.

Nag-ihaw sila ng mga pirasong karne at ito’y pinasaluhan samantalang ikinukuwento ni Tingal ang pagsusumamo ng usa bago ito kanyang pinana.

Hindi mapalagay si Bandina dahil sa mga huling katagang habilin ng usa ayon sa kuwento ni Tingal, subalit ito’y ipinag-walang bahala ng lalaki dahil sa siya’y busog na busog.  Nang sumunod na araw, ang mangangaso’y naratay sa banig.  Walang magawa ang incantations at wild herbs.  Sa buong tribo’y walang makagamot at makapagsabi kung ano ang sakit niya.

Isang gabing kalaliman at kadiliman ang lalaki’y tumayo at dinaanan siya ng sumpong.  Ang puting usa! ang sigaw.  Kumarimot ng takbong palabas si Tingal sa hindi mapigilan.  Siya’y hinabol ng mag-ina hanggang sa kakahuyan at hanggang makarating sa lugar na kanyang pinaghulihan sa usa.  Lumuhod siya sa lupa at nanalangin, Bathala, patawarin mo ako! at siya’y napatdan ng hininga.

Ang hinala ni Bandina’y ang puting usa ay alaga ng diwata ng kagubatan.

Si Tingal ay inilibing ng mag-ina sa lugar na kinabuliran ng usa.  Siya’y pinabaunan ng asawa’t anak ng masaganang luha.

Mula noon ang mga mangangasong Dumagat ay ayaw pumatay ng puting usa.