Maragtas - Page 2 of 3

(Epikong Bisayas)

Ang mga taga-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya.  Malakas ang loob nila na pumalaot sa dagat pagkat batid nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag.  Nakita nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng Palawan.  Alam niya na ang naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay nang tahimik.  Alam din niya kung gaano kayaman ang pulo.

Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti.  Makaraan ang ilang araw at gabi nilang paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay.  Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.

Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad.  Nakita niya ang isang Ati.  Siya ay katutubo sa pulong iyon.  Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad ang ilong.  Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung saan ito nakatira.  Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa Borneo ay nais makipagkaibigan.

Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay.  Siya ay mabuting pinuno.  Ang lahat sa pulo ay masaya, masagana at matahimik na namumuhay.  Walang magnanakaw.  Ang lahat ay masipag na gumagawa.  Kilala rin sila sa pagiging matapat at matulungin sa kapwa.

Dumating ang takdang araw ng pagkikita ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti.  May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat.  Ito ang kapulungan ng mga Ati.  Ito ang Embidayan.  Dito tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin.  Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating.  Ipinaliwanag ni Datu Puti ang kanilang layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay.  Nais nilang bilhin ang lupain.  Sinabi ni Marikudo na tatawag siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung papayagan nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.

Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan.  Nagpahanda si Marikudo ng maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya.  Dumating mula sa Look ng Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung barangay.  Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo kasama ang kanyang mga tauhan.  Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si Maniwantiwan.  Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya.  Ang mga lalaking Ati ay binigyan ng mga Bisaya ng itak, kampit at insenso.  Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas, panyo at suklay.  Ang lahat ay nasiyahan.  Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang mga Ati.  Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang mga lalaki naman ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.

Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti.  Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at gintong batya mula sa kanilang barangay.  Ibinigay niya ito kay Marikudo.  Nakita ni Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan.  Ito'y kuwintas na lantay na ginto.  Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas.  Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan, kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas.  Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya kay Maniwantiwan.

Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo.  Sinabi ni Marikudo, na kung lalakad sa baybay dagat ng pulo simula sa buwang kiling (Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik siya sa dating pook pagsapit ng buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani).

Learn this Filipino word:

magdádalá ng bigát