Huling Paalam

ni Dr. José Rizal

(Tagalog version of “Mi Ultimo Adiós”)

Paalam, bayan kong minamahal
lupa mong sagana sa sikat ng araw;
Edeng paraiso ang dito'y pumanaw
at Perlas ng dagat sa may Silanganan.

Buong kasiyahang inihahain ko
kahiman aba na ang buhay kong ito.
maging dakila ma'y alay rin sa iyo
kung ito'y dahil sa kaligayahan mo.

Ang nakikilabang dumog sa digmaan
inihahandog din ang kanilang buhay.
kahit kahirapa'y hindi gunamgunam
sa kasawian man o pagtatagumpay.

Maging bibitaya't, mabangis na sakit
o pakikilabang suong ay panganib
titiising lahat kung siyang nais
ng tahana't bayang aking iniibig.

Mamamatay akong sa aking pangmalas
silahis ng langit ay nanganganinag
ang pisgni ng araw ay muling sisikat
sa kabila nitong malamlam na ulap.

Kahit aking buhay, aking hinahangad
na aking ihandog kapag kailangan
sa ikaririlag ng yong pagsilang
dugo ko'y ibubo't kulay ay kuminang

Mulang magkaisip at lumaking sukat
pinangarap ko sa bait ay maganap;
ikaw'y mamasdan kong marikit na hiyas
na nakaliligid sa silangan dagat.

Sa bukas ng mukha'y, noo'y magniningning
sa mata'y wala nang luhang mapapait
wala ka ng poot, wala ng ligalig
walang kadungua't munti mang hilahil.

Sa aba kong buhay, may banal na nais
kagaling'y kamtan nang ito'y masulit
ng aking kaluluwang handa nang umalis
ligaya'y angkin mo, pagkarikit-dikit.