Ikalawang Bahagi

(Ang Buod ng “Ibong Adarna”)

Nang makita nilang wala ng lakas at halos hindi na humihinga si Don Juan, kinuha nila ang Ibong Adarna.  Iniwan ng dalawa ang inaasahan nilang mamamatay na si Don Juan at matulin silang nagbalik sa kaharian ng Berbanya.  

Isang mabunying pagsalubong ang inukol ng mamamayan ng reyno ng Berbanya sa dalawang animo’y mga bayaning nagbalik.  Ngunit pagdating nila doon ay lulugo-lugo na ang ibon at ayaw nitong umawit.  Sinabi ng Ibong Adarna na aawit lamang siya sa harap ng tunay na nakahuli sa kanya, at ito ay si Don Juan na binugbog ng dalawang kapatid na prinsipe.

Si Don Juan naman ay halos di makatayo sa kanyang kalagayan dahil sa natamo niyang matinding pambubugbog.  Kaya’t siya’y matimtim na nanalangin sa Birheng Maria upang siya ay tulungan.  Parang tinugon naman ang kanyang panalangin, dahil may dumating na isang matanda at siya ay ginamot.

Agad na umuwi sa kaharian si Don Juan sa pangambang hindi niya maabutang buhay ang kanyang amang hari.  Pagdating ni Don Juan, noon din ay pumailanglang at napuno ang buong silid ng matamis at malambing na awitin ng Ibong Adarna.  At sa pag-awit na iyon ng Ibong Adarna, agad na gumaling ang karamdaman ni Haring Fernando.

Nagpatawag ng isang pagpupulong ang hari sa konseho.  Napagkaisahan na parusahan ang dalawang prinsipe sa pamamagitan ng pagtapon sa dalawa upang hindi na makasama ni Don Juan.  Ngunit sa kabaitang taglay ni Don Juan ay hindi niya hinayaang maparusahan ang kanyang mga kapatid.

Dahil sa Adarna, gumaling si Haring Fernando, kaya naman pinabantayan niya ang Ibong Adarna sa tatlo niyang anak.  Kung sinuman ang magpapakawala nito ay mapaparusahan ng kamatayan.

Sina Don Pedro at Don Diego ay likas na may kasamaang ugali.  Isang gabi, nang si Don Juan ang nagbabantay ay tila nakatulog.  Marahang lumapit si Don Pedro sa ibon at ito ay kanyang pinakawalan.  Lumipad papalayo ang Ibong Adarna sa kaharian ng Berbanya.  Nang magising si Don Juan ay laking pagtataka niya nang makitang wala na ang Ibong Adarna.  Natakot si Don Juan dahil alam niyang mapaparusahan siya ng kamatayan.  Napagpasiyahan ni Don Juan na umalis upang hanaping muli ang Ibong Adarna.

Nang magising si Haring Fernando, nakita niyang wala na sa hawla ang Ibong Adarna.  Tinanong niya sina Don Pedro at Don Diego kung sino ang nagpakawala sa Adarna.  Ang isinagot ng dalawa ay si Don Juan.  Akala ng dalawa ay naisahan na nila ang kanilang bunsong kapatid ngunit dahil sa nawawala si Don Juan, ay agad inutos ng amang hari sa kanila na hanapin si Don Juan.

Nang natagpuan nila si Don Juan sa Bundok ng Armenia, napag-isip-isip nina Don Pedro at Don Diego na kung isasama nila ang kapatid kay Haring Fernando ay tiyak na malalaman nito ang totoong nangyari.  Kaya naman kinumbinse nilang dalawa na manirahan na lamang silang magkakapatid sa Bundok ng Armenia.  Doon ay wari’y wala silang lungkot na dinaranans.  Kung wala sila sa batis, sila ay nasa bukid.  Isang araw ng paglalakbay, nakakita sila ng balon.  Gusto ni Don Juan na maabot ang ilalim ng balon.  Dahil si Don Pedro ang panganay ay siya ang nangunang bumaba.  Dahan-dahan siyang nagpatihog sa ilalim ng balon.  May 30 dipa pa lamang ang lalim at habang inaabot ang kalaliman nito, binatak na niya ang lubid.  Ito ang hudyat na siya ay hilahin na paitaas nina Don Diego at Don Juan.  Sumunod naman si Don Diego, ngunit nakakatatlong dipa pa lamang ay umahon na siya.